Tuesday, February 2

Bakit Ka Nga Ba Mahalaga?



This piece is influenced by the following:
- Sila by SUD
- Dulo't Simula by Zuela Herrera
- Bawat Daan by Ebe Dancel
- Gravity by Sara Bareilles
- Naniniwala Ako by Juan Miguel Severo
- Ted Mosby's universe line to Robin

This Tagalog piece questions the importance of someone in one's life. That s/he doubts the universe or chance since not everything is going his/her way. That s/he is looking for reasons but s/he can't seem to find one currently. Sometimes, we all go back to the roots why we're here. Sometimes, we don't need another reason because we already have one starting this war. We just have to go back and nurture the reason again.

-------------------------------------------------------------------------------

Bakit ka nga ba mahalaga?
Minsan, ay hindi, lagi pala
Silang laging nakasubaybay
Tinatanong sa akin ito
Pilit inaalam kung anong meron ka
Kung anong mahika daw ang iyong sinambit
Kung anong gayuma ang iyong pinagamit
Na kung bakit sa dami diyan ay ikaw pa
Sa dami ng pwede diyan, sa'yo pa

Minsan, natanong ko na rin ang sarili
Dasal ng dasal sa uniberso't pagkakataon
Na magbigay ng senyales upang maliwanagan
Ang madilim na daan na aking tinatahak
Kasi minsan, aaminin ko, mahirap
Walang ilaw, walang kasiguraduhan
'Di alam kung bawat kanan o kaliwa ay tama
Ni tala o buwan, hindi minsan kita sa pagtingala
Ang ngiti ng araw wala, hapdi lang ng kanyang init
Ang ramdam sa pagtahak sa walang kasiguraduhan
Ilang araw, linggo, buwan, pwedeng taon na
Tinatahak ang landas na walang sumubok mangahas
Naghahanap pa rin ng kasagutan
Nagnanais pa rin ng kapayapaan
Upang mapaglubag ang loob
Upang manahimik ang girian sa kongreso ng utak
At matuwa ang puso na tipong kayang-kaya
Na tumibok na parang huli na niya
Pilit inaalam, pilit inaasam
Na ang sagot ay kayang ibigay ng pagkakataon
Na may senyales mula sa uniberso na ikaw na nga

Ngunit, wala, wala siyang sagot
Walang sagot sa tanong kung bakit ka mahalaga
Minsan, wala talagang rason
Walang sagot kung bakit ka mahalaga
Dahil walang papantay sa sayang dulot mo
Walang sagot kung bakit ka mahalaga
Dahil alam kong nais lang din kita mapasaya
Walang sagot kung bakit ka mahalaga
Dahil sila ay mayroong ibang kahulugan ng halaga
Walang sagot kung bakit ka mahalaga
Dahil wala, hindi ba sapat na mahal kasi kita?

Minsan, hindi na natin kailangan magtanong sa uniberso
O minsan, hindi na natin kailangan hintayin ang pagkakataon
Minsan, hindi na kailangan tanungin pa tayo ng iba
O kaya, minsan, hindi na natin sila kailangan sagutin pa
Minsan, wala nang hihinging senyales mula sa buwan at tala
Dahil minsan, ang kislap nila'y ngiti para sa ating dalawa
Minsan, ilang subok at ulit na pero ang bagsak pa ri'y sa bawat isa
Na minsan, tipong parang dagsin na hinihila tayo pababa
Minsan, sa bawat daan mo, iisang patutunguhan
Na minsan, kahit 'di sigurado, ay ito ang gusto natin puntahan
Minsan, nabigay na pala ng uniberso ang sagot
Na minsan, alam na natin iyon, ayaw lang natin tanggapin
Nasagot na pala, takot lang tayong aminin pa

Bakit ka nga ba mahalaga?
Simple, mahal kita
Dahil naniniwala ako sa'yo, sa atin, sa tayong dalawa
Ayan, nasagot ko na
Hayaan nalang natin sila