Sunday, January 19

Ang Punlang 'Di Ko Malilimutan

Huli ko nang nalaman
Huli ko nang napagtanto
Bakit nga ba pinabayaan
Mawala ang punlang tinanim sa bato

Pinaghirapan, inalagaan, pinalago
Kahit sa bato sinimulan tinahak, hinamak
Sinubukan dahil liwanag ay kita ko
Kahit marami nang nagbalak

Akala ko madali lang, akala lang
Akala ko nagwagi na ako, 'di pa pala
Lumago ang punla, lumalim ugat niya
'Di na siya bibitaw sa lupa, sabi ko lang

Hanggang dumating isang bagyo
Isang unos na 'di inaasahan
Inangat siya sa lupa, hinangin palayo
'Di na malaman kanyang pinatunguhan

Wala na, 'di ko napaghandan ito
Masyado akong naging kampante
Hindi pala dapat maging sigurado
Hindi pala dapat sinabing 'di bale

Sumubok magtanim ng isa pang punla
Sa parehong bato kung saan nagsimula
Ngunit hindi na ito tulad ng dati
Ang saya ko'y 'di na mababalik muli

Paalam sinimulang punla, paalam
Napuno ako ng pighati sa pagkawala
Nawa'y mabilis mawala, maghilam
Ang sugat na damang dama ko pa